Ni Vivian R. Bautista
AABOT sa isang-daan-at-limampung-libong-pisong (P150,000.00) halaga ng mga Farm Equipment at 647,286 Seedlings ang ipinagkaloob sa mga kasapi ng Samahang Itinatag Bilang Aktibong Tagapag-bantay o SIBAT, na isinagawa naman sa kampo ng 18th Special Forces Company sa Barangay Punta Baja, Rizal Palawan.
Ang mga nasabing kagamitan ay pormal na ipinagkaloob nitong ika-28 ng Mayo ng Philippine Army Finance Center Producers Integrated Cooperative o PAFCPIC sa pangunguna nina Ms. Arlene Villaflor, Vice President ng PAFCPIC Education and Community Development Services at Bb. Nena Galanida, Head ng PAFCPIC Palawan.
Kabilang sa nasabing donasyon ay kalaykay, piko, pala, punlaan, pandilig, at mga seedlings ng iba’t ibang uri ng gulay.
Ang mga donasyon ay makatutulong sa kabuhayan ng mga benepisyaryo sa ilalim ng proyektong SIBAT Gulayan, at ito’y ipamamahagi sa iba’t ibang SIBAT farms sa labing-isang (11) barangays ng bayan ng Rizal, Palawan.
Layon ng livelihood project na ito na makapag-bigay ng karagdagang kita para sa mga katutubo nang sa gayon ay mapabuti ang kanilang kalagayan, masolusyunan ang ugat ng kahirapan, at tuluyang mawaksi ang mga isyu ng pansasamantala at panloloko ng teroristang NPA (New People’s Army) sa mga katutubong mamamyan sa lugar.
Sa karagdagan, ang SIBAT Gulayan Project ay proyekto ng 18th Special Forces Company para sa mga Civilian Volunteers, CAFGUs, mga dating miyembro at supporters ng CPP-NPA-NDF at mga Underground Mass Organizations.