Photo | Mayor's Office of Puerto Princesa

Ni Samuel Macmac

PALAWAN, Philippines — INAAMBISYON ng Apuradong Administrasyon na maging MICE Tourism Capital sa buong bansa ang lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ang malugod na inanunsyo ni Mayor Lucilo R. Bayron sa isinagawang 4th Community Based Sustainable Development Convention 2024 sa harap ng maraming CBST members na ginanap sa Edward S. Hagedorn Coliseum kamakailan.

Naniniwala ang alkalde na maraming katangiang tinataglay ang lungsod ng Puerto Princesa pagdating sa industriya ng turismo na maaring mai-promote sa mga turista na nagnanais pumasyal at mamalagi pa rito.

Kaugnay nito, pinaplano ng adminitrasyon na magtayo ng malaking Convention Center na may 10,000 capacity matapos makitaan ng potensyal ang lungsod dahil sa pagpapalakas ng Meetings, Incentives, Conventions and Exhibitions o MICE Tourism para mas marami pang mahikayat na mga proffessionals na may continuous education na rito na isagawa ang kanilang kumbensyon.

Binigyang-pugay ng alkalde ang lungsod ng Puerto Princesa dahil sa malayo na nga ang narating nito na noo’y nagsimula lamang maging tanyag dahil sa eco-tourism subalit ngayon ay mayroon na itong mga iba’t ibang klase ng atraksyon na iniaalok para sa mga turista: ang Sports Tourism, MICE Tourism, Cruise ship Tourism.

Kaugnay nito, hinahangad din ni Mayor Bayron na i-develop ang adventure tourism na kung saan maglalagay ng biking, horseback riding at iba’t ibang aktibidad upang mas marami pang mapasyalan ang mga turista at mas mahikayat silang bumalik sa lungsod.

Sa naging mensahe ni City Tourism Officer Demetrio Alvior Jr, umakyat ang mga turistang dumarating sa lungsod ng 81 porsiyento.

Samantala, base naman sa report ng CTO, pinaniniwalaang malaki ang naging kontribusyon ng iba’t ibang klase ng turismo sa lungsod kaya’t naiulat na fastest growing economy ito sa hanay ng mga highly urbanized cities sa bansa ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Author