PALAWAN, Philippines — Sa Hulyo 25, ilulunsad na sa lungsod ng Puerto Princesa ang Paleng-QR Ph Plus program.
Sa Flag raising ceremony kahapon, Hunyo 10, sinabi ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na nagkaroon ng coordination meeting ang City Government at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa paglulunsad ng programang Paleng-QR Ph Plus sa siyudad.
Layunin nito na isulong ang paggamit ng QR Ph payment sa iba’t ibang mga negosyo.
“Nagkaroon tayo ng coordination meeting with central bank para sa launching ng Paleng-QR, ilalaunch ito sa June 25.
Baka rin sana hindi na tayo tatanggap ng pera sa Treasurer’s Office puro digital payment lang yung pagtanggap ng pera [para sa] payment sa taxes, real property tax, para hindi na humawak ng pera ‘yung mga empleyado natin, ‘yung mga disbursing officer na lang ang mga hahawak, anyway madaling matsek ‘yun,” pahayag ng alkalde.
Ani Bayron, naglalayon din ang programa na paigtingin ang financial inclusion.
Ang Paleng-QR Ph program ay magkatuwang na binuo ng BSP at Department of the Interior and Local Government (DILG) na layuning isulong ang digital payments sa pamamagitan ng cashless payments sa mga pampublikong pamilihang bayan at transportasyon.
Kaugnay nito, ang mga lokal na pamahalaan ay inaasahan na magpapatupad ng mga polisiya at ordinansa sa paggamit ng QR Ph digital payment.