Ni Vivian R. Bautista
Sa isinagawang malawakang bakunahan program ng Department of Health (DOH), ang mga bata at sanggol na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa rehiyon ng MIMAROPA ay kabilang sa mga nabakunahan, kamakailan.
Kaisa ng DOH ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga bata laban sa iba’t ibang karamdaman na tinaguriang “Chikiting Ligtas” sa pagmo-mop-up ng Measles-Rubella, Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA) 2023.
Kabilang sa mga bata at sanggol na nabakunahan ng Measles-Rubella vaccine ay mula 9 hanggang 59 na buwan, habang nasa edad 0 hanggang 59 na buwan naman ang para sa Oral Polio Vaccine.
Kasabay rin ng nasabing kaganapan ang pagkakaloob ng Vitamin A supplementation para sa mga chikiting, kaya’t nakasisigurado umano na magiging protektado na at sapat pa sa bitamina ang mga nakiisa sa malawakang bakunahan.
Ang Chikiting Ligtas program ay isang supplemental immunization activity na layong bakunahan ang mga batang edad limang taon pababa.
Matatandaan din na naitala noon ang pagbaba ng vaccination rate sa mga nakaraang taon dulot ng pandemya.
Ayon sa World Health Organization (WHO), mula Enero hanggang Pebrero 2023, nakapagtala ang DOH ng 136 na kaso ng tigdas at walong kaso naman ng rubella.
Samantala, nananawagan naman ang DOH sa mga magulang na mangyaring pabakunahan na ang kanilang mga anak lalo pa’t extended ang malawakang bakunahan program hanggang ika-15 ng Hunyo taong kasalukuyan.