PALAWAN, Philippines —Nagsagawa ng Satellite Voter Registration ang Commission on Election (COMELEC) para sa mga kwalipikadong Person Deprived of Liberty (PDLs) nitong Hunyo 8, 2024 na ginanap sa Regional Building ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF), Lungsod ng Puerto Princesa.
Dahil dito, may kabuuang isandaan at pitumpung (170) PDLs ang nairehistro sa naturang aktibidad.
Bukas din ang rehistrasyon ng botante para sa mga tauhan ng IPPF at iba pang residente sa loob ng reserbasyon ng IPPF.
Ayon sa tanggapan ng IPPF, ang nasabing aktibidad ay alinsunod sa 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, na nagsasaad na ang karapatan sa pagboto ay maaaring gamitin ng lahat ng mamamayan ng Pilipinas na hindi nadiskuwalipika ng batas at hindi nasentensiyahan ng “huling paghatol”.
Higit pa rito, tinukoy ng COMELEC Resolution No. 10768 na ang mga indibidwal na kasalukuyang nakakulong, nahaharap sa pormal na mga kaso para sa anumang krimen, o naghihintay o sumasailalim sa paglilitis; iyong nagsisilbi ng sentensiya na wala pang isang taon; at ang mga nahatulan na nasa ilalim ng apela ay karapat-dapat na bumoto.
Sa pamamagitan ni IPPF Superintendent Gary A. Garcia pinasalamatan ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang COMELEC sa pagpapasimula nito ng naturang kaganapan.
Sa ilalim ng pangangalaga ng IPPF, kinikilala nito ang karapatan sa pagboto ng mga
kwalipikadong PDL.