Photo Courtesy | PIO Palawan

PALAWAN, Philippines – Naiuwi ng mga mag-aaral mula sa mataas na paaralan ng Bataraza ang kampeonato matapos magwagi sa isinagawang 2024 Henyo Palaweño na ginanap sa NCCC Convention Hall, lungsod ng Puerto Princesa nitong Hunyo 17.

Ang naturang patimpalak ay hinati sa tatlong kategorya: easy, average at difficult round na nilahukan ng 23 mga paaralan mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na kung saan ay umabot sa 69 na mga estudyante ang nakilahok dito.

Ang mga nagwaging mag-aaral ay nag-uwi ng P25,000 cash prize, kabilang ang tropeyo, medalya, at sertipiko. Sila ay kinilalang sina Mudzmar D. Sahiyal, Mel Jansen U. Unarce, Elleya Bette B. Caralipio sa patnubay ng kanilang guro na si Coach Ramy Dacallos.

Habang nakuha naman ng Vito Pechangco Memorial National High School ng bayan ng Brooke’s Point ang ikalawang puwesto at sila’y nag-uwi ng P20,000 cash prize. Ang grupo ay binubuo nina Jasphere E. Ancheta, Rechell Ann M. Basañes at Rio Jane O. Sanchez at kanilang adviser na si Irene May Ceralbo bilang kanilang coach.

Nasa ikatlong puwesto naman ang mga mag-aaral na sina Hazel L. Llavan, Rhiane Nicole T. Divino, Edriel Cris A. Iti mula F. Lagan Sr. Memorial National High School ng Roxas, Palawan kung saan tumanggap sila ng P15,000 cash prize. Ang kanilang grupo ay sa ilalim ng patnubay ni Coach Rowena Echague.

Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, nasubok umano ang kaalaman ng mga kalahok na mag-aaral sa pagsagot sa mga katanungan na may kaugnayan sa

kasaysayan ng lalawigan, mga proyektong ipinatutupad ng pamahalaang lokal at ang kasalukuyang mga kaganapan sa lalawigan.

Ang Henyo Palaweño ay isa sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival 2024 bilang paggunita sa ika-122 na anibersaryong pagkakatatag ng gobyerno sibil ng Palawan na may temang: “Mayamang Sining at Kultura…Kakaibang mga Kaugalian at Tradisyon…Tagisan ng Lakas, Talino at Talento…Natatanging Produktong Palaweño” ang tema ngayong taon.

Samantala, pinagkalooban din ng librong History of Palawan ang mga nanalo at ang iba pang naging kalahok.

Author