PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Ibinigay ng isang concerned citizen sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang isang Hawk-Eagle na may siyentipikong pangalan na Spizaetus cirrhatus nitong Lunes, Hunyo 24, taong kasalukuyan.
Ayon sa ahensya, ang nasabing buhay-ilang ay nakuha umano ni Ginoong Rolando F. Excija Jr. sa mga bata na nakahuli nito mula Barangay San Rafael. Dahil sa pag-aalala sa agila, agad niya itong ibinigay sa pangangalaga ng nasabing ahensiya.
Ang Changeable Hawk-Eagle ay itinuturing na Endangered species sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967.
Samantala, hinihikayat naman ng PCSDS ang mga kapwa mamamayan na kung makatagpo ng anumang uri ng buhay na buhay-ilang, iwanan ang mga ito sa kanilang natural na tirahan, ibalik o kaya’y ipagbigay-alam sa nabanggit na tanggapan para sa tamang pangangalaga at disposisyon nito.