Ni Marie Fulgarinas
Palawan, Philippines — Inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang agresibong aksyon ng bansang Tsina sa Ayungin Shoal nitong Hunyo 17 ay ilegal at hindi isang aksidente o resulta ng “misunderstanding”. Sa halip, tahasan nitong sinabi na ito ay deliberate act ng People’s Republic of China na harangin ang Pilipinas sa rotation at resupply mission nito.
Sa isang press briefing nitong Hunyo 2024, nagbigay ng joint statement ang tanggapan ng National Security Council, DND, at Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi anila minamaliit ng pamahalaan nasyunal ang huling insidente sa West Philippine Sea kung saan nagtamo ng matinding pinsala ang isang tauhan ng Philippine Navy habang nagsasagawa ng RORE mission sa BRP Sierra Madre.
Binigyang-diin ni Teodoro na “kailanman ay hindi tayo magpapasupil at magpapaapi kahit sa kaninuman” at matapang na inihayag na anumang polisiya na may kaugnayan sa pagpoprotekta ng soberanya ng bansa sa West Philippine Sea ay hindi magbabago.
“We see the latest incident in Ayungin not as a misunderstanding or an accident. It is a deliberate act of the Chinese officialdom to prevent us from completing our mission. After our visit to our troops in Palawan yesterday, where the President personally talked to the troops involved in the RORE, we have now come to a conclusion that it was not a misunderstanding or an accident,” pahayag ng kalihim sa isinagawang press briefing sa Malacañang.