Photo courtesy | PIO Palawan

Ni Samuel Macmac

PUERTO PRINCESA CITY — KASALUKUYANG may 2,426 aktibong kaso ng malaria ang lalawigan ng Palawan base sa tala ng Kilusan Ligtas Malaria (KLM) matapos magsagawa ng blood smearing.

Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng Kapitolyo, sumailalim sa blood smearing ang 199,094 indibiwal na kung saan nanguna sa may aktibong kaso ang bayan ng Rizal na may 1,417, sinusundan ng bayan ng Brooke’s Point na may 397 habang ang Bataraza ay may 335 naitalang kaso.

Base naman sa Department of Health (DOH), nananatiling may aktibong kaso ng malaria ang Palawan mula sa 82 lalawigan sa buong bansa.

Sa buong Pilipinas, umabot sa 6,248 kaso o 90 porsiyento ang naitala nitong taong 2023 na halos doble sa 3,245 na kaso noong taong 2022.

Ang pagkakaroon ng maraming breeding sites ng Anopheles na lamok na may dalang malaria ang ilan sa dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit para sa unang kwarter ng taon bunsod ng naranasang bagyo at pag-ulan.

Kadalasang nangangagat ang lamok na may malaria mula 6:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga.

Samantala, ang mga nabanggit na impormasyon ay kaugnay sa ginanap na field visit sa Palawan ng Philippine Country Team ng Global Fund to Fight AIDS, Tuberculosis, and Malaria (GFATM) mula sa Geneva, Switzerland kasama ilang Foreign Media at Journalists sa pamamagitan ng GFATM funded Movement Against Malaria (GF-MAM) Project na isinagawa nitong nakalipas na buwan ng Hunyo taong kasalukuyan.

Author