Ni Samuel Macmac
KASALUKUYANG negatibo sa Paralytic Shellfish Poison o Red Tide ang buong lalawigan ng Palawan, ayon kay Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal na ibinahagi ng tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo.
Kinumpirmang walang natuklasang paralytic shellfish poison sa naging resulta ng isinagawang water sampling at meat sampling na isinumite sa Maynila na kung saan nananatiling red tide free ang Malampaya Sound na matatagpuan sa bayan ng Taytay.
Kaugnay nito, nananatiling ligtas ang pagkain ng anumang uri ng shellfish gaya ng tahong, alamang o hipon at iba pang yamang-dagat tulad ng isda, pusit, sugpo at alimasag mula sa nabanggit na lugar.
Ito ay naisagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Provincial Agriculture Office (Pago) ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ang pagsasagawa ng nasabing pagsusuri ay bunsod na rin ng naiulat na nagpositibo sa red tide ang Honda Bay ng Lungsod ng Puerto Princesa base sa inilabas na Shelfish Advisory No. 9 Series of 2024 ng BFAR.
Patuloy pa rin nagsasagawa ng monitoring sa karagatang sakop ng lalawigan ng Palawan para sa masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Samantala, maaaring magdulot ng negatibong epekto sa kalusugan ng tao ang red tide na kung saan kapag nakain ng tao ang mga shellfish na nahawaan ng red tide ay maaaring makaranas ng pagkahilo, pagsusuka, pagtatae, at pagkawala ng malay kaya’t napakahalaga pa rin na maging maingat sa pagkain ng mga shellfish at sundin ang babala ng lokal na awtoridad.