(Photo courtesy: Philippine Statistic Authority)

PALAWAN, Philippines – Kinumpirma ng Civil Registrar ng Puerto Princesa City na marami pa rin ang naitatalang Delayed Registration of Birth sa lungsod.

Sa programang “Arampangan Ta” ng City Tourism Office, tinuran ni Assistant City Registrar Hazel Salazar, ang kanilang tanggapan ay mayroong mandato na magrehistro ng mga mahahalagang civil registry documents gaya ng birth, marriage, at death certificate ng lahat ng mamamayan ng Puerto Princesa.

Aniya sa pagpaparehistro ng birth certificate, mayroong tinatawag na ‘on time’ at ‘delayed registration’.

“Sa ‘on time’, ito po yung mga ipinanganak na wala pang 30 days mula nu’ng pinanganak, after 30 days sila, ay tinatawag na ‘delayed registration’,” ani Salazar.

Ayon kay Salazar, marami pa rin ang naitatala ng City Civil Registrar na delayed registration of birth dahil sa kakulangan ng pinansyal at kakulangan ng mga kaukulang dokumento na kinakailangan isumite sa pagpaparehistro ng birth certificate.

“Marami sa Puerto Princesa [ang delayed registration of birth] sa kadahilanang, ang unang-una na sinasabi ng mga kababayan natin wala raw po silang pera na pangparehistro. May mga instances, mismong sa ospital nade-delay kasi itong mga kababayan natin may mga lacking requirements walang [ipinasa] na marriage certificate, sa mga hindi kasal ang magulang hindi nakapag-execute ng Affidavit of Acknowledgement/paternity o Affidavit to Use the Surname of the Father sa mga hindi kasal. Hindi po pino-forward ng ospital, ‘yun po ang mga cause of delays.

Every time na manganganak sa ospital o birthing homes, iuuwi nila ang dokumento sa bahay at nalilimutan na po. Ang mangyayari po t’saka lang sila magmamadali kapag mag-e-enroll na ang anak sa kung mga benepisyo na ibinibigay ang gobyerno t’saka po nila maaalala,” paliwanag ng opisyal.

Binigyang-diin ni Salazar, napakahalaga ng pagkuha ng birth certificate dahil dito nagsisimula ang identity ng isang tao.

“Kung kayo po ay walang birth certificate kayo po ay hindi kinikilala ng batas na nag-e-exist sa Pilipinas. Kilala kayo ng mga kapitbahay, ng mga kaibigan pero hindi ng batas.

“Lagi po namin sinasabi, kapag nanganak po ang magulang nung nilabas natin sa mundong ito [ang ating anak] nagsisimula ang responsibilidad doon sa pagkuha ng legal identity ng anak, birth certificate ang kailangan niyang i-secure,” paalala pa nito.

Author