PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — NATUPAD na ang matagal na inaasam ng mga residente ng Sitio Talaudyong, Barangay Bacungan, na magkaroon ng elektrisidad sa lugar.
Matapos ang isinagawang switch-on ceremony kahapon, Hulyo 9, sa pangunguna ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), Pamahalaang Panlungsod, at ni Ginoong Bobby Castro, may-ari ng Palawan Pawnshop, siya ring naging dahilan para maisakatuparan ang pagpapailaw sa Sitio Talaudyong.
Ayon kay Mayor Lucilo Bayron, ang pagpapailaw sa lugar ay malaking bahagi sa kasaysayan ng brgy. Bacungan.
Aniya, malaki ang maitutulong nito para mas mapalakas ang turismo dahil dito matatagpuan ang mga magagandang beaches ng siyudad.
Katunayan, magsisimula sa Pakpak-Lauin Beach Resort, Sitio Talaudyong, ang Philippine Beach Games na gaganapin ngayong darating na Hulyo 12.
Tinuran naman ni Castro na maraming mamamayan ang makikinabang sa proyektong ito kaya lubos ang pasasalamat nito sa pamunuan ng Paleco.
Aminado naman ang Paleco, kasama ang linya sa Talaudyong na nakatengga lamang at para mapakinabangan ng mga mamamayan ito ay dumaan sa evaluation at ipiniresenta sa Paleco board.
Sinabi naman ni Paleco General Manager Rez Contrivida, ang ang serbisyo ng kuryente ay bukas para sa lahat ng residente sa lugar, tiyakin lamang na kumpleto ang mga kakailanganing dokumento tulad ng tax declaration at building permit para sa pagpapakabit nito.