Ni Marie Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — Makakatanggap ng cash incentives ang mga atleta at trainers o coaches ng Lungsod ng Puerto Princesa na nakapag-uwi ng medalya sa katatapos lang na Palarong Pambansa 2024, batay sa anunsiyo ng City Sports Office.
Ayon sa talaan, sa bawat individual events, makakatanggap ng limampung libong piso (P50,000.00) ang manlalarong nakapag-uwi ng gintong medalya, P30,000.00 para sa mga nakasungkit ng silver medal, habang P20,000.00 para sa mga nakakuha ng bronze medal.
Sa bawat succeeding medals naman, may kalakip itong insentibo na limanlibong piso (P5,000.00) para sa gold medals habang P4,000.00 at P3,000.00 naman para sa silver at bronze medals.
Sa team o group events na mayroong limang miyembro pababa, sila ay makatatanggap ng limampung libong piso (P50,000.00) para sa gold medal habang P30,000.00 at P20,000.00 naman para sa silver at bronze medals. Ito ay pantay-pantay na paghahatian ng mga team members na “present during the competition”.
Sa group o team events pa rin na may “more than 5 members, sila ay makatatanggap ng 25 porsyentong cash incentives pareho sa nakalaang insentibo ng mga individual medal winners: P12,500 para sa gold medalist group, P7,500.00 para sa silver medalist group habang P5,000.00 naman sa grupong nakakuha ng bronze medal.
Samantala, makakatanggap naman ng insentibo ang mga coaches o trainers ng mga manlalaro ng lungsod na naaayon sa ibinigay na kwalipikasyon ng City Sports Office.
“Coaches/trainers of Puerto Princesa City athletes shall be entitled to cash incentives if they have personally trained and rendered service to the athletes or teams at least six (6) months prior to competition. Certification to this effect shall be in writing issued by the individual or team captain for the team events or parent for [the] minors.
Incentives for the coaches/trainers shall be equivalent to twenty percent (20%) of the total cash incentives of an athlete. In case of more than one (1) coach/trainer, the cash incentives shall be divided among themselves,” nilalaman ng kautusan.