Ni Vivian R. Bautista
BASAHIN | Opisyal nang inilunsad ng Department of Health (DOH) ang Bivalent COVID-19 vaccines nitong ika-21 ng Hunyo, sa Philippine Heart Center (PHC), Quezon City, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pamumuno ni PBBM at DOH Secretary Ted Herbosa, ang kick-off event ay nagsilbing ceremonial vaccination ng mga healthcare workers at senior citizens – A1 at A2 population.
Itinatampok din ng inisyatibong ito ang multi-sectoral collaboration ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pribadong sektor, at mga internasyonal na organisasyon gaya ng Department of Interior and Local Government (DILG), World Health Organization (WHO), Metropolitan Manila Development Authority, at mga local government units (LGUs), ayon sa inilabas na ulat ng Department of Health.
Noong ika-31 ng Marso, 2023, una nang naglabas ang DOH ng Department Memorandum (DM) sa pamamahala at pangangasiwa ng mga donasyong bivalent vaccines. Ang mga alituntunin ay nagsasaad na ang unang ma-inoculate ay ang mga Healthcare worker (A1) at Senior citizens (A2).
Ang DM ay nagsasaad din na ang isang indibidwal ay maaaring mabakunahan ng bivalent vaccine pagkatapos ng hindi bababa sa apat (4) hanggang anim (6) na buwan pagkatapos ng kanilang huling booster vaccine.
“We are always grateful for the strong support of no less than the President. He continues to care for our people’s welfare through the national COVID-19 vaccination program. Under his direction, we are saving lives! Isa ang bakuna sa mga paraan para umiwas sa sakit at maging handa sa anumang pandemya. With that, the DOH urges everyone, starting with our frontliners – health workers and the most vulnerable – our senior citizens, to strengthen their immunity against COVID-19 by getting these bivalent boosters by coordinating with our nearest hospitals and vaccination centers. Tayo na sa isang Healthy Pilipinas, kung saan ang bawat buhay ay mahalaga,” ani Secretary Herbosa.
Para sa higit pang impormasyon hinggil sa patakaran ng pagpapatupad ng mga alituntunin ng Bivalent COVID-19 vaccines inoculation, mangyari lamang na magtungo sa bit.ly/DM_2023-0178.