Ni Clea Faye G. Cahayag
HUMINGI ng tulong ang City Government sa Philippine Fisheries Development Authority o PFDA para sa planong Integrated Fish Port sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa flag raising ceremony, tinuran ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na darating ngayong linggo ang mga opisyales ng PFDA at Frabelle Group of Companies kung saan ipipresenta ng mga city department heads ang plano at benepisyo ng nabanggit na fish port.
“This week, darating ang General Manager ng Philippine Fisheries Development Authority. Medyo, malaki ang ating laban dito. Humihingi tayo ng assistance na ma-establish ang ating Integrated Fish Port dito kasama niya ‘yung Presidente ng Frabelle Group of Companies,” ani Bayron.
“Kailangan natin ang City Planning, City Agriculture, City Legal, City Administrator, City ENRO na haharapin natin ito para ma-one-time big time natin explain ‘yung benefit na makapagtayo ng integrated fish port dito sa Puerto Princesa,” dagdag pa ng Alkalde.
Aniya pa, darating din si Sandy Sandoval kung saan binigyang-diin na malaki ang naitulong para maisakatuparan ang pagpupulong na ito.
Batay naman sa impormasyon mula sa official website ng city government, ang naturang fish port ay planong lagyan ng ice plant, cold storage, processing plant, bodega, at iba pang mahahalagang pasilidad sa industriya ng pangisdaan.
Ang proyektong ito ang isa sa mga poverty alleviation measure ng kasalukuyang administrasyon sa layuning maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lungsod.
“Tulad ng Navotas na bagsakan ng mga huling isda sa iba’t ibang lugar sa bansa gusto ng Punong lungsod na ang fish port ay magsilbi ding bagsakan ng huling isda sa lungsod at dito na ito maibenta. Kailangan lamang ng pirmihang lugar para dito upang maging puntahan na din ng mga nag-aangkat mula sa ibang siyudad ng bansa,” ayon pa sa website.