PHOTO//VM NANCY SOCRATES

Ni Clea Faye G. Cahayag

MALAKI ang maitutulong ng bagong bukas na sangay ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Puerto Princesa upang maresolba ang sirkulasyon ng mga luma at sira-sirang ‘banknotes’ gayundin ang kakulangan ng barya sa lungsod.

Pagbabahagi ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na kapag nagtutungo ang mga residente ng siyudad sa kamaynilaan agad itong natutukoy na galing probinsya dahil sa mga dalang luma o sirang banknotes kaya naman malaking adbentahe ang presensya ng BSP sa siyudad upang mapalitan na ang pag-iikot ng mga lumang pera.

“Kaya ngayon, nandiyan ang Central Bank sila ang magre-retrieve ng mga old bills, dilapidated t’saka ‘yung pangit nang bills at papalitan ng bago. So, hindi na tayo makikilala na taga-probinsya ‘pag dumating tayo sa Manila,” ani ng Alkalde.

Maliban dito, maiiwasan na rin ang kakulangan sa barya na madalas nararanasan tuwing buwan ng Disyembre dahil sa dami ng mga nagwi-withdraw.

“At saka, isa pang magandang epekto na may central bank tayo [rito], ‘pag December panahon ng withdrawal, lahat ng tao nagwi-withdraw, ubusan ng cash ng mga banko natin. Natatandaan ko there was a time nagrent ng eroplano yung central bank para magpadala ng pera dito [ngayon] hindi na mangyayari ‘yun dahil meron na tayong central bank,” dagdag pa ni Bayron.

Ang BSP branch sa lungsod ay binuksan noong ika-15 ng Hunyo taong kasalukuyan na matatagpuan sa barangay San Jose.