Kasama ang ilang opisyales ng City Government, si Mayor Lucilo Bayron ay magtutungo sa Bangkok, bansang Thailand, para personal na makita ang hydro kinetic power plant na itinayo sa loob ng isang military camp sa lugar.
Ayon sa alkalde, layunin ng kanilang pagbisita sa bansa na i-evaluate ang naturang power plant para sa posibleng pagtatayo rin nito sa city hall.
“This week maglili-aliw muna ako, starting August 15, Thursday, pupunta akong Bangkok. Hindi ko na sasabihin ang pangalan ng mga kasama ko.
Pupuntahan namin ‘yung Hydro Kinetic Power Plant doon sa Bangkok sa isang military camp doon.
I-evaluate [rin] namin kasi kung maayos ‘yun dalhin natin dito, maglagay tayo [riyan] sa harap diyan [ng city hall] maliit lang daw na space ang kailangan niyan,” ang naging anunsyo ng alkalde ngayong araw ng Lunes, Agosto 12, matapos ang flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan.
Aniya, ang pinakamaliit na power plant ay kayang magprodyus ng 1 megawatt, sobra pa sa kinakailangang elektrisidad ng buong gusaling panlungsod.
“Sobra-sobra para sa atin yun, puwede ng walang patayan ang ilaw [rito] [city hall] dahil ano siya renewable energy,” aniya pa.
Kuwento pa ni Bayron, maging ang Local Government Unit ng Occidental Mindoro ay nagnanais din magtayo ng hydro kinetic power plant ngunit hindi pa umano ito maisasakatuparan sa ngayon dahil sa ilang mga problema sa probinsya.
“Yung Occidental Mindoro, gusto rin sana [magtayo] nu’n kaya lang may mga problema sila. Nu’ng nakausap ko si Governor [Eduardo Gadiano] ng Mindoro Occidental, [sabi niya] baka kayo ang mauna makapagtayo niyan, maraming pupunta sa inyong LGUs dahil renewable energy ‘yan, green energy,” pahayag pa ni Bayron.