Ni Clea Faye G. Cahayag
HUMIGIT-KUMULANG anim na libong (6,000) mga puno ang naitanim ngayong ika-30th taong pagdiriwang ng Pista Y Ang Cagueban sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang nakagawiang pagtatanim ng mga puno sa kagubatan ngayong buwan ng Hunyo ay inilipat ngayong taon sa urban upang matugunan ang Urban Heat Island.
Sa datos ng Department of Science and Technology (DOST) umakyat sa 43 degree celsius ang heat index ng lungsod noong buwan ng Abril.
Sa isinagawang press conference matapos ang pagtatanim sinabi ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na mula sa 70-80% survival rate ng mga punong naitatanim sa rural, mas mataas ang tiyansa na tumaas pa ito ngayong dito nagtanim ng mga puno sa urban.
“Posible talaga kasi mas madaling puntahan yung mga itinanim natin dito kaysa doon sa magubat na lugar atsaka nakikita natin na medyo nalalanta na ibigsabihin merong problema na, asikasuhin agad ang puno na yun kaya sa tingin ko mas magiging mataas ang survival rate sa itinanim natin dito sa bayan,” ani Bayron.
Tinuran din ng Alkalde na hindi dito magtatapos ang pagtatanim ng mga puno sa urban tuwing Cagueban.
“Hangga’t may matataniman tayo dito kasi nga nilalabanan natin ang urban heat island. Alam nating lahat yung advantage at pagtatanim ng punungkahoy, hangga’t meron tayong matataniman mas maganda na ituloy natin dito sa bayan para masangga natin ang urban heat island,” dagdag pa ng Alkalde.
Kinokonsidera din ni Bayron ang ideya sa pagtatanim ng mga puno sa gilid ng kalsada partikular sa kahabaan ng Rizal Avenue.
“Talagang kinokonsidera namin yan, problema lang marami tayong widening ng mga kalsada marami ngang mga tinamaang puno na itinanim nung mga nauna sa atin na pagkahinukay natin namamatay ang iba dahil medyo malalaki na talaga ang mga puno pero hindi pa rin nawawala sa ating plano [yan] naisip ko na instead itanim sa lupa, itanim sa container na malaki katulad sa Balayong kapag namumulak tsaka natin ilagay doon sa Rizal Avenue, ipila natin palagay ko mas magiging maayos mas magiging maganda kasi nga di tayo makasiguro mamaya may road widening sayang ang mga naitanim natin na mga punungkahoy na namumulaklak at malalaki na,” paliwanag ni Bayron.
Lubos naman ang pagpapasalamat ng Holy Trinity University (HTU) Tiniguiban Campus dahil napili ang kanilang paaralan na maging isa sa planting site ng kauna-unahang Cagueban Urban Edition.
“Nung nalaman ko na napili ng city ang lugar ng HTU Tiniguiban Campus na maging site for this year Pista Y Ang Cagueban hindi na ako nagpaalam sa aming superior general nag said yes na agad ako kasi para sa akin maganda itong adhikain na tayo ay magtanim kasi para sa kinabukasan kaya po talagang tanggap na tanggap namin itong programa na ito ngayong taon at sa mga susunod pa nating collaborations in the future, we will continue to support for the good of all,” ang naging pahayag ni Sr. Elenita B. Ocampo, OP, HTU University President.
Mayroon din umanong Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng city government at HTU sa panahong gagamitin na ng unibersidad ang lupa na pinagtaniman ng mga puno.
Maliban sa nabanggit na paaralan, nagtanim din ng mga puno sa mga paaralan tulad ng Seminario de San Jose, Puerto Princesa City National Science High School, Puerto Princesa Pilot Elementary School, Sicsican Elementary School, Sicsican National High School, Mateo Jagmis Memorial Elementary School, Barangay Simpocan, Barangay San Rafael at Plaza Quartel.