Inaanyayahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga magulang na iparehistro sa National ID System ang kanilang mga anak na edad 1-4.
Ayon sa PSA, magtungo lamang sa registration center na malapit sa inyong lugar at dalhin ang mga supporting documents tulad ng original copy ng birth certificate (PSA, NSO, LRC copy) kaakibat ang National ID ( PhilID/ ePhilID) ng magulang o guardian. Kung guardian lamang ang kasama ng bata, kinakailangan na ito ay mayroong authorization letter mula sa magulang at photocopy ng valid ID.
Punan ang hinihinging impormasyon sa registration form at ibigay sa Registration Kit Operator (RKO) kasama ang supporting documents para sa validation ng demographic information ng bata.
Matapos ang encoding, kukuhaan ng front-facing photograph ang bata. Paalala ng PSA, i-review kung tama ang demographic information at maayos ang pagkuha ng front-facing photograph.
At ang pinakahuling proseso, magbibigay ng transaction slip ang RKO na naglalaman ng Transaction Reference Number o TRN ng bata na magagamit upang ma-track ang status ng registration.