Ni Samuel Macmac
KASALUKUYANG nasa kustodiya na ng Police Station 2 ang nahuling 36-anyos na magsasaka mula sa Barangay Maoyon, lungsod ng Puerto Princesa, dahil sa kasong pagpatay na kinilalang alyas “Joseph”.
Batay sa police report, nahuli ng Puerto Princesa City Police Office ang nasabing indibidwal na wanted sa kasong murder nitong alas 9:55 ng gabi ng ika-14 ng Setyembre taong kasalukuyan sa Barangay Irawan.
Ang pagkahuli kay alyas “Joseph” ay naisakatuparan sa pamamagitan na rin ng pakikipagtulungan ng Police Station 2 sa pangunguna ni Acting Station Commander PCPT Douglas N. Sabando, kasama ang mga personnel ng Philippine Airforce TOW West at PCPO City Mobile Force Company.
Ayon sa awtoridad, naihain ang arrest warrant sa suspek na inisyu ni Branch 48 Presiding Judge Leah Delos Reyes Baguyo, Fourth Judicial Region, Puerto Princesa City. Ang nasabing arrest warrant ay may kinalaman aniya sa kasong pagpatay sa ilalim ng Criminal Case No. 42025 nitong April 20, 2022, na may piyansang P120,000.00.
Samantala, hinihimok ng kapulisan ang mga mamamayan na patuloy na makipagtulungan sa awtoridad para mahuli ang mga indibidwal na may pagkakasala sa batas at nangangakong patuloy na magbibigay ng seguridad sa mamamayan at lungsod ng Puerto Princesa.