Ni Clea Faye G. Cahayag
NILALAYON ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na maging Convention Capital of the Philippines ang Puerto Princesa.
Kaya naman isa sa mga nakalinyang proyekto sa lungsod ang pagtatayo ng convention center.
Sa buong Pilipinas wala pa umanong malaking convention center, maliban sa SMX Convention Center na kayang mag-accommodate ng nasa 10,000 hanggang 12,000 delegates.
Ito ang nagtulak sa Alkalde na magtayo ng dalawang convention center sa Puerto Princesa na kayang mag-accommodate ng mga malakihang pagtitipon.
“Sa research namin ‘yung ating airport can only accept six (6) airplanes at the same time. So, in 1 hour anim na eroplano lang, kung 200 [passengers] ang bawat flight times six, e, ‘di 1,200 lang ‘yan,” paunang pahayag ng alkalde.
“Ilang flight ang kailangan para ma-accommodate, halimbawa, 30,000 na delegates? Ang solusyon is to put up two (2) convention centers ‘yung isa 20,000 [capacity], ‘yung isa [ay] 10,000 [capacity] para magkaroon din ng option kung doon ba tayo o [rito] tayo,” dagdag ng Alkalde.
Maliban dito, kasama rin sa proyekto ang pagkakaroon ng entertainment industry na ilalagay sa tabi ng convention center.
Binigyang-diin ni Bayron na malaki ang maitutulong nito sa turismo at magbibigay ng trabaho sa mga lokal na mamamayan kung maisasakatuparan ang pangarap na ito para sa Puerto Princesa.
“‘Yan ‘yung naging reason kung bakit naisip natin [na magtayo ng convention center] because we have land here in the city of Puerto Princesa. Maganda ang mga attractions natin na kung [mayroong] convention center dito pupunta talaga ang mga delegates,” saad ni Bayron.
“Doon sa program natin magkakaroon ng entertainment industry na malapit sa convention para pagkatapos meron silang papasyalan — so they will keep on spending money para economy ng Puerto Princesa kaya dapat walkable,” pahayagng alkalde.
“Diyan umiikot ang concept na ‘yan kaya maganda na ang city, i-project natin as the (Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions) MICE Capital of the Philippines kasi that will invite a lot of people to come here para sa mga conventions s’yempre ‘pag dumami ang tao [rito] dagdag sa tourism industry natin ‘yun, [kikita ang] mga hotels natin, restaurant, mga tour guides, mapapasyalan ang mga tour destinations natin at lalong sisikat ang Puerto Princesa,” paliwanag pa ni Mayor Bayron.