Sa susunod na taon, magkakaroon ng pagtaas ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro sa Social Security System o SSS, ito ang kinumpirma ni SSS Puerto Princesa Branch Officer lll King Bonn C. Lavarias sa Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) Palawan na isinagawa sa SM Puerto Princesa kamakailan.
Aniya, sa Enero 2025 madadagdagan ng 1% ang buwanang kontribusyon sa SSS kaya ang minimum na hulog ay magiging 750 pesos na.
“I want to inform everyone na by next year— alam ko medyo magagalit kayo sa amin kasi magkakaroon tayo ng pinaka-final tranche ng increase ng contribution sa January 2025… we will be having an increase, ang minimum na po natin niyan, in percentage, 15% na po ang total na babayaran,” ani Lavarias.
Paliwanag nito, ang naturang increase ay paghahatian ng employer at employee. Ang noo’y 9.5 % employer share ay magiging 10% at ang 4.5% membership ay magiging 5%, epektibo sa 2025.
“Sa ngayon po, ‘di ba is 9.5 employer share at 4.5 membership, so yung 1% na i-increase po, yung 1 ay paghahatian.
So magiging 10% na po ang employer magiging 5% na po ang employee at ang minimum po natin niyan will be ₱750 per month which is under the bracket of ₱5,000,” paliwanag pa ng opisyal.
Pahayag pa nito, ang 1% increase ay alinsunod sa Republic Act 11199 o mas kilala sa Social Security Act of 2018. Nakasaad dito ang pagtaas ng 1% contribution rate kada dalawang taon hanggang maabot nito ang 15% sa 2025.
Ayon pa kay Lavarias, ang pagtaas ng kontribusyon ay alinsabay sa nararanasang inflation.
Tiniyak naman nito na ang mas mataas na kontribusyon ay nangangahulugan din ng mas mataas na benepisyo na maaaring makuha ng mga miyembro nito.
“Ang question lagi sa amin bakit kayo mag-i-ncrease? Mabigat sa amin ang increase na ‘yun… we are experiencing inflation so we want also the member to adopt du’n sa kanilang binabayaran na magkaroon ng value kasi ayaw naman namin magpautang o makakuha kayo ng benefits n’yo na ₱2,000 lang ang amount or ₱1,000.
Ano na lang ang hitsura ngayon ng isang libo kapag tayo ay naggi-grocery? Even we buy our own medicines, ‘yung 1,000 pesos kulang na ‘yun. That’s why sinasabay rin namin ‘yung pag-increase para makasabay rin po ‘yung iniipon n’yo [roon] sa pag-increase rin ng inflation.
I know it is very hard for us, mostly sa ating mga member ng SSS na mag-adopt dito, but we are rest assured na ‘yung value ng pera ninyo ay hindi napapabayaan at gusto namin kapag kayo ay kumuha ng benepisyo o ng loan hindi maliit—mayroong sapat na paggagamitan ‘yung loan ninyo hindi mapupunta into waste na magiging obligation or liability ninyo ito,” paliwanag pa ng opisyal.