PUERTO PRINCESA — Nasungkit nang pamilihang bayan ng Bataraza sa lalawigan ng Palawan ang first place ng Most Consumer-Friendly Pamilihang Bayan nang Bidang Manininda o PBBM Awards.
Ikalawa sa listahan ang Roxas Public Market habang 3rd place naman ang Narra Public Market. Ang pagkilala ay isinagawa nito lamang Oktubre 1 sa Hue Hotel, Barangay San Manuel, Lungsod ng Puerto Princesa.
Mula rin sa bayan ng Bataraza ang mga maninindang nakakuha ng unang puwesto sa Bidang Manininda Winners para sa mga kategoryang Fruits and Vegetables Category Section, Fish and Meat Category Section, at Drygoods and Sundry Section Category.
Ayon kay Department of Trade and Industrt (DTI) Palawan Provincial Director Hazel Salvador, ang patimpalak na ito ay unang isinagawa ng kanilang ahensya ngayong taon alinsabay sa pagdiriwang ng Consumer Welfare Month ngayong buwan ng Oktubre.
Aniya, layunin nito na kilalanin ang mahalagang gampanin ng mga lokal na pamilihang bayan sa komunidad gayundin ang pagpapalakas at pagtugon sa karapatan ng mga mamimili.
“We also want to recognize yung efforts po ng ating mga local markets kasi ‘yan ang usually pinupuntahan ng mga turista o locals natin from the community talagang malaking bagay ang local market,” ani Salvador.
Umaasa si Salvador na ang naturang aktibidad ay maipagpapatuloy pa sa mga susunod na taon. Masaya rin nitong ibinalita na mayroon nang mga pag-uusap na layuning iakyat sa national level ang paghahanap ng “Most Consumer- Friendly Pamilihang Bayan”.