Repetek News
MALAKI ang papel na ginagampanan ng mga tao at pribadong organisasyon sa pangangalaga ng kalikasan dahil sa sila ang kaakibat ng pamahalaan upang mapanatili ang likas na yaman.
Hindi lamang sa personal na pag-iingat sa paggamit ng kapaligiran kundi sa pagpapatupad din ng batas na may kaugnayan dito.
Mga pribadong organization ang kadalasan na tumutulong sa mga proyekto ng pamahalaan.
Madalas na mga miyembro ng mga organisasyon na ito ang nakalilikha ng bagong konsepto upang gumawa ng kanilang sariling mga programa hindi lang sa pangangalaga ng mga buhay ilang kundi kung paano matutulungan ang mga tao sa lugar.
Sila ang nag-iisip ng mga paraan upang maiwasan na magamit at masira ang mga puno at iba pang yaman sa paligid sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong pagkakakitaan o mga ideya dito upang makatulong sa mga tao na hindi na lumabag sa mga batas patungkol sa kalikasan.
Ang pagtatanim sa mga kalbong bundok o mga lugar na nasira ng mga baha ay ginagawa rin ng mga miyembro ng pribadong organisasyon.
Kaya naman kung sila ay maraming pondo para sa mga proyektong isasagawa ay mas marami ring programa ang maari nilang maisakatuparan.
Ang mga ganitong organisasyon kung hindi man mga aktibong kabataan ay samahan ng mga nagmamahal at nangangalaga ng kalikasan.
Sa kanilang pangunguna sa pagkilos upang mapangalagaan ang kapaligiran ay nagiging halimbawa narin sa iba na maisip na maaari palang makatulong kahit sino kung lahat ay makikiisa sa mga gawain gaano man ito kaliit o kalaki. Ang importante ay mayroon lamang magsimula upang may susundan ang iba.
Ang pagsuporta ng bawat isa sa mga gawain na nakatutulong sa pagprotekta ng kalikasan ay magkakaroon ng malaking epekto upang ito ay mapangalagaan nang matagal at mapakinabangan pa sa hinaharap. Kung makikita ng iba na kaya pala basta lahat ay tumutulong ay makakahikayat pa ng mas maraming tao.