Photo courtesy | bing.com

PUERTO PRINCESA — Ikinasa ng lokal na pamahalaan ng bayan ng El Nido ang Breast Cancer Awareness Day nitong Oktubre 8 upang magbigay ng kaalaman sa mga residenteng kababaihan na prone sa pagkakaroon ng ‘kanser sa súso’, dalang panganib nito, at mga prebensyon para maiwasan na magkaroon nito.

Tinalakay sa kaganapan ang mga pamamaraan, mga maling impormasyon patungkol dito, at mitigasyon na rin upang hindi magkaroon o makaiwas sa breast cancer.

Ang nasabing sakit ay kumbinasyon ng mga sintomas lalo na kapag ito ay advance na kung saan mas delikado na sa buhay ng isang indibidwal na mayroon nito. Karamihan sa mga kababaihang mayroon nito ay hindi nakararanas ng anumang mga sintomas kapag ay nasa early stage o maaga pa, ngunit nagiging delikado ito kapag lumala at napabayaan.

Ilan sa mga sintomas ng breast cancer ay pagkakaroon ng bukol sa dibdib, pagbabago sa laki, hugis o anyo ng suso, dimpling, pamumula, pitting o iba pang pagbabago sa balat, pagbabago sa hitsura ng utong o ang balat na nakapalibot sa utong (areola), at abnormal o madugong likido na lumalabas mula sa utong.

Pinapayuhan ang mga indibidwal na may abnormal na bukol sa suso na nararapat na humingi ng agarang medikal na atensiyon kahit hindi pa nakararamdam ng anumang sakit.