Photo courtesy | Facebook/ Richard Arambulo

Handa na ang pambato ng Puerto Princesa City para sa ICF Dragon Boat Competition, ayon sa pahayag ni Coach James Rodriguez Lagan.

“Almost 7 months silang nag-training. Ang paghahandang ginawa ng ating mga atleta ay three (3) times a day silang nagti-training simula 4:30 ng umaga hanggang 8:00 ng umaga at babalik ulit sila sa training ng 4:30 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi sa Puerto Princesa City Baywalk,” pagbabahagi ni Lagan nitong nakaraang Lunes, Oktubre 14.

Dagdag ni Lagan, “sasagwan po sila hindi lang dahil sa vision kung hindi ay mayroon magandang disiplina ang Puerto Princesa City at magre-represent ito ng isang magandang halimbawa sa kabataan”.

Ayon pa sa coach ng team, ito ang unang pagkakataon na lalaban ang mga nabanggit na atleta bilang isang grupo. Aniya, ang mga ito ay maraming kasanayan sa iba’t ibang larangan bilang individual player.

Inihayag din ni Lagan na dalawang team ang kinatawan ng Lungsod ng Puerto Princesa sa nalalapit na 3rd Puerto Princesa International Dragon Boat Festival na gaganapin sa City Baywalk sa darating na Oktubre 26 hanggang ika-27 ng buwan.

“Bilang isang atleta, talagang ang unang [isinaayos] ko po ay ang kanilang discipline kaya sa team ng Puerto Princesa sisiguraduhin ko pong ang mga batang ito ay may disiplina,” dagdag pa ni Lagan.

Kaugnay nito, karamihan sa mga atleta ay mga tricycle driver at mangingisda, mayroon ding mga estudyante ng Palawan State University (PSU), Holy Trinity University (HTU) at Palawan National School, kasama ang isang retired Philippine Air Force na dati namang takraw player.

Samantala, ang opisyal na pagbubukas ng Dragon Boat ay magsisimula ngayong araw ng Biyernes, Oktubre 25. Sa araw ng Sabado, ika-26 ng buwan ay magaganap ang unang bahagi ng palaro sa kategoryang 500 meters na lalahukan ng mga Puerto Princesan athletes at pagsapit ng araw ng Linggo, lalahok naman sila sa 200 meters.

“Sa tingin ko, ang pinakamabigat naming kalaban ay ang [mga bansang] Singapore at USA,” pahabol na pahayag ni Lagan.

Author