PUERTO PRINCESA — Nagsanib-puwersa ang Philippine Marine Corps (PMC) at United States Marine Corps (USMC) upang magsanay sa paggamit ng Small Unmanned Aircraft System (SUAS) nitong nakalipas Oktubre 17-19 sa Tarumpitao Point, Barangay Punta Baja, Bayan ng Rizal, Palawan.
Nagsagawa ng familiarization at practical flight demonstration ang parehong puwersa upang mas mapahusay pa ang kasanayan ng mga marine forces sa pag-perate o pagpapatakbo ng SUAS.
Ayon sa Brigada Agila, ang naturang pagsasanay ay nakatuon sa mga operasyon ng drone at kamalayan sa maritime domain.
Anila, mahalaga ang papel na ginagampanan ng US bilang pangunahing defense partner ng bansa.
Ang KAMANDAG 08-24 ay nagpapalakas ng ugnayang militar ng dalawang bansa, na nagtataguyod ng pakikipagtulungan sa pagtugon sa mga karaniwang alalahanin sa seguridad habang nakikibahagi rin sa iba pang mga bansa sa ibinahaging mga layuning panrehiyon.
Matatandaang nagsagawa rin ng ehersisyo kamakailan ang parehong grupo ukol sa pagsagawa ng live firing gamit ang Rocket Propelled Grenade (RPG) habang sakay ng Patrol Craft, Coastal (PCC), sa isinagawang force integration exercise sa lungsod ng Puerto Princesa na may layuning subukan ang kakayahan ng parehong Marines sa paghawak ng kani-kanilang heavy weapon system.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng ikawalong pag-uulit ng Kaagapay ng Mandirigma sa Dagat (KAMANDAG 08 24), isang taunang kolaborasyon ng PMC at USMC.