Photo courtesy | Puerto Princesa City Agriculture Office File Photo

NAGBIGAY ng libreng seminar ang Gintong Butil Agri Farm sa mga magsasaka sa lungsod. Ito ay bilang paghahanda sa kanilang pagtatanim ng highland vegetables sa kanilang lugar.

Ang naturang pagsasanay ay nakatuon sa soil fertility management, plant nutrition,at integrated pest management.

Sa pamamagitan nito, natutunan ng mga magsasaka ang importansya at tamang pangangala ng lupa, mga sustansyang kailangan ng tanim at epekto ng kakulangan nito.

Ang sampung magsasaka na isinailalim sa seminar ay pawang mga bagong benepisyaryo ng Highland Vegetable Production Project ng Gintong Butil Agri Farm mula sa mga barangay Luzviminda at Sta. Lucia.

“Umaasa po kami na magiging matagumpay ang mga magsasakang ito sa pagtatanim ng highland vegetables at magiging kabalikat natin sa patuloy na pagpapataas ng produksyon ng highland vegetables dito sa Lungsod ng Puerto Princesa,” ayon sa Gintong Butil Agri Farm.

Maliban dito, itinuro rin sa kanila ang tamang pagkilala sa mga peste at mga kaibigang organismo na tumutulong sa pagbalanse ng kapaligiran.

Nabigyan din ng pagkakataon ang mga magsasaka na makapag-ikot sa farm upang makita ang mga alternatibo at sustenableng teknolohiya sa pagsasaka na maaari rin nilang gamitin sa kanilang mga tanim.

Ang Gintong Butil Agri Farm ay isang demonstration farm ng City Agriculture Office upang bigyan ng inspirasyon ang mga magsasaka sa lungsod at magbigay ng kaalaman hinggil sa iba’t ibang pamamaraan ng natural farming at farm tourism projects.

Ito ay matatagpuan sa Km. 27, South National Highway, Barangay Sta. Lucia, Puerto Princesa City.