PUERTO PRINCESA — Itinaas na sa Red Alert status ang Emergency Operations Center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Palawan dahil sa sama ng panahong dala ng bagyong Kristine na kasalukuyang umiiral sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Nais paigtingin nito ang patuloy na paghahanda ng buong lalawigan sa epektong dulot ng nasabing bagyo at masiguro ang maayos na pakikipagtulungan sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) at Palawan Rescue teams sa Palawan.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang nararanasang sama ng panahon kaya’t pinag-iingat ang lahat ng Palaweño sa posibleng banta ng pagbaha, landslide at malalaking alon sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Samantala, patuloy namang nakaantabay ang iba pang mga response clusters ng Pamahalaan para sa agarang pagresponde at pag-monitor sa maaaring pinsalang hatid ng kasalukuyang lagay ng sama ng panahon.