Photo courtesy | DOST_PAGASA

PUERTO PRINCESA — Aabot sa higit animnaraang (600) evacuees ang naitala mula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan dulot ng Bagyong Kristine nitong hapon ng Oktubre 24, 2024.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nitong hapon ng Huwebes, umabot na sa 194 pamilya na binubuo ng 598 indibidwal ang nailikas ng mga response teams sa Palawan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Ayon sa ulat, nakapagtala ng 13 pamilya na kinabibilangan ng 49 indibidwal ang nailikas sa bayan ng Cagayancillo, tatlong pamilya o 11 indibidwal sa Brgy. Mampio, apat na pamilya o 11 indibidwal din sa Brgy. Tacas, tatlong pamilya na kinabibilangan ng 12 indibidwal sa Brgy. Talaga, at tatlong pamilya naman o 15 indibidwal ang nailikas sa mas ligtas na lugar sa Brgy. Nusa.

Nailikas din ang ilang mga residente mula sa mga bayan ng Magsaysay na nakapagtala ng 93 pamilya o 223 indibidwal, 16 pamilya o 58 indibidwal sa bayan ng Taytay, limang pamilya o 11 indibidwal mula sa bayan ng Agutaya, at 67 pamilya o 257 indibidwal mula naman sa bayan ng Coron.

Patuloy naman ang isinasagawang monitoring sa buong lalawigan kaugnay sa lagay ng panahon at matinding epekto nito sa mga susunod na araw.

Nakataas pa rin ang ‘No Sailing Policy’ sa ilang munisipyo sa bahaging norte at sur ng Palawan dahil sa umiiral na malakas na alon at hangin, ayon sa direktiba ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon naman sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), mananatili pa rin ang malakas na pag-ulan at pabugso-bugsong hangin dahil sa malawak na sirkulasyon ng tropical cyclone kahit papalabas na ang bagyong Kristine ngayong araw, Biyernes, Oktubre 25.