Ni Clea Faye G. Cahayag
ISASAMA na ng City Environment and Natural Resources Office ang mga paaralan sa Urban Forestry Program ng lungsod ng Puerto Princesa upang madagdagan pa ang mga naitanim na punongkahoy rito sa kabayanan.
Ayon sa hepe ng City ENRO Atty. Carlo B. Gomez, ito ang isa sa kanilang nakikitang solusyon para maagapan ang mataas na temperature at mainit na panahon lalo na sa urban areas.
Aniya, ang pagtatanim ng mga puno sa loob ng compound ng eskwelahan ay makatutulong upang bumaba ang mainit na temperature na madalas nararanasan ng mga estudyante sa loob ng kanilang silid-aralan.
“Inuna natin mga eskwelahan, bakit eskwelahan? Kasi kalimitan ng mga nag su-suffer ng urban heat ‘yung mga estudyante natin especially mga public o private schools kasi hindi naman naka-air conditioned ang mga classrooms, by providing shades ay nakakatulong na bumaba ang temperatura sa mga school yards nila,” ayon kay Atty. Gomez.
Matatandaan nitong katatapos lamang na “Pista Y Ang Cagueban” ay inilipat sa urban ang pagtatanim ng mga puno.
Aabot sa anim (6) na libong punongkahoy ang naitanim sa iba’t ibang paaralan kabilang ang Holy Trinity University (HTU) Tiniguiban Campus, Seminario de San Jose, at iba pang mga pampublikong paaralanng pang-elementarya at sekondarya.
Ang I-Tree Eco, isang programa ng City ENRO na sumusuporta sa Urban Forestry Program ay isang teknolohiyang nagmula sa US Forest Service sa Estados Unidos na siyang ginagamit ng tanggapan upang gawin ang tinatawag na I-Tree Analysis and Assessment sa mga lugar na mayroong punongkahoy tulad ng mga parke, eskwelahan, pribadong resort, hotel, at iba pang establisyimento.
Sa pamamagitan nito ay mas napapalakas at napapalawak ang programang ipinapatupad ng City ENRO upang solusyunan ang kakulangan ng punongkahoy sa sentro ng siyudad.