Photo Courtesy | Occidental Mindoro PPO

TIMBOG ang dalawang lalaki na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bisa ng Warrant of Arrest dahil sa rebelyon na inilabas ng Oriental Mindoro Regional Trial Court Branch 42.

Batay sa impormasyong inilabas ng mga awtoridad, kinilala ang mga inaresto na sina Kelvin Borja Joaquin alyas “Siko/ Rigor” at Jay Maligo Fran alyas “Rio/Roco” sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, nitong nakalipas na buwan ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Nadakip ang naturang mga indibidwal sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army’s 76th Infantry Battalion (76IB), 2nd Oriental Mindoro Provincial Mobile Police Force Company, Oriental Mindoro Provincial Police Office, at Bongabong Municipal Police Station (MPS).

Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Compherensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Dagdag pa rito, may kakaharapin din na kaso si Fran dahil sa attempted homicide.

Samantala, pinaiigting ng pamahalaan at awtoridad ang kanilang kampanya sa rehiyong MIMAROPA laban sa terorismo kaya naman patuloy ang kanilang isinasagawang mga information dissemination kontra sa masamang idudulot ng pakikilahok sa makakaliwang grupo.

Kaugnay nito, may parusa naman na 12 hanggang 20 taong pagkakakulong at pagbabayad ng hindi bababa sa ₱500,000.00 hanggang isang milyong piso para sa sinumang tumutulong o nagbibigay ng pondo sa gawaing terorismo.

Author