PUERTO PRINCESA — Ikatlo sa most searched destination ang bayan ng Busuanga ng lalawigan ng Palawan sa prestihiyosong listahan ng Skyscanner Australia’s top 10 trending destinations para sa taong 2025.
Pinuri ang natatanging ganda ng bayan na kung saan patok na patok sa panlasa ng mga biyaherong naghahanap ng bago at mas tahimik na destinasyon.
Isinalarawan ng nasabing travel platform na ang Busuanga ay isang kaakit-akit na isla na nagtatampok ng malinaw na tubig, at malinis na mapuputing buhangin. Kaya naman, ito ay naging preferred travel hotspot ng mga biyahero mula sa bansang Australia.
Batay sa datos ng Skyscanner, nakapagtala ang Busuanga ng kahanga-hangang 125 porsyento na pagtaas sa flight searches para sa unang kalahati ng 2024 kumpara sa kaparehong panahon ng nakalipas na taong 2023 dahilan para ituring na bagong alternatibo ito sa tradisyunal na beach gateaways.
Base sa pagsusuri ng Skyscanner ng mga trend sa paglalakbay ay nagbigay-diin sa pagbabago sa mga turista mula sa Australya patungo sa pag-explore ng hindi gaanong kilala ngunit kahanga-hangang destinasyon.
Samantala, isa sa pangunahing atraksyon sa Busuanga ay ang world-class na diving spots nito, kabilang ang mga barkong pandigma ng mga hapones mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tahanan din ito ng iba’t ibang uri ng wildlife kabilang ang mga exotic na hayop sa Calauit Safari Park.
Labis namang ikinatuwa ng Department of Tourism ang pagkakapasok ng Busuanga, Palawan, sa top 10 trending destinations para sa 2025 na nakuha ang ikatlong puwesto sa prestihiyosong listahan.