TIKLO ang tatlong kalalakihan sa magkakahiwalay na police operations na ikinasa sa mga barangay ng Irawan, Napsan, at Model ng lungsod ng Puerto Princesa.
Unang nadakip ng pulisya sa Brgy. Irawan bandang 1:20 ng hapon ng ika-4 ng Nobyembre, taong kasalukuyan ang isang estudyante, 23-taong gulang at residente ng Narra, Palawan.
Base sa police report, inaresto ang binata dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, Section 4 (C) (4), na may inirekomendang piyansa na P10,000.00.
Naaresto ang lalaki sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga tauhan ng Police Station 2 at Intelligence personnel ng Tactical Operations Wing (TOW) WEST Philippine Air Force at 401st RMFB. Kasalukuyan naman sa nasa kustodiya na ng Police Station 2 ang wanted para sa tamang disposisyon.
Inaresto naman dahil sa paglabag sa Wildlife Act ang 44-taong gulang na magsasaka at residente ng Brgy. Napsan bandang 8:15 ng umaga nitong ika-5 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.
Isinilbi ng Police Station 3 ang arrest warrant sa pakikipagtulungan din ng Roxas Municipal Police Station (MPS), 2nd Platoon CMFC, 401st RMFB MC at RIU 4B. May inirekomenda naman na piyansa na P6,000.00.
Illegal logging naman ang dahilan ng pagkakaaresto sa 36-taong gulang na van driver at residente ng Brgy. San Jose ng nasabing lungsod.
Kalaboso ang lalaki sa Brgy. Model bandang 4:10 ng hapon nitong ika-5 ng Nobyembre, taong kasalukuyan na nadakip ng mga tauhan ng Police Station 1 at Support Units. May inirekomendang piyansa para sa wanted na nagkakahalaga ng P52,000.00, at kasalukuyang nasa kustodiya na ng Police Station1 para sa tamang disposisyon.