Photo courtesy | US Embassy in the Philippines

Nagkaloob ng karagdagang 196 milyong pisong tulong pinansyal ang gobyerno ng Estados Unidos sa pamahalaan ng Pilipinas upang suportahan ang mga residenteng lubhang naapektuhan ng Tropical Storm Kristine na may international name na Tropical Storm Trami.

Layunin ng suporta na palakasin ang logistik, pagbibigay ng malinis na inuming tubig, sanitasyon, tirahan, at pinansyal na tulong upang matulungan ang mga apektadong mamamayan sa mga lugar ng Bicol at Batangas na lubhang naapektuhan ng bagyo.

Ang tulong na ito ay sumusuporta rin sa mga komunidad na naapektuhan ng mga sumunod na sakuna.

“As your friend, partner, and ally, the United States is committed to working with the Philippine government and people as they rebuild and recover,” ani U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson.

Ayon sa embahada, ang pondong ito ay dagdag sa paunang Php84 milyong tulong ng Amerika na unang inanunsiyo noong buwan ng Oktubre upang magkaloob ng emergency shelter, tubig, sanitasyon, tulong sa kalinisan, at critical logistic support.

Mula nitong Oktubre 25, ang United States ay nakikipagtulungan sa mga humanitarian partners nito upang maghatid ng tulong sa mga komunidad sa bansa na apektado ng mga bagyo at kasunod na pagbaha.

Samantala, namahagi ang Philippines’ Office of Civil Defense (OCD) ng 1,500 shelter-grade tarpaulin at 1,500 kitchen sets na pinondohan ng USAID para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad sa Albay at Camarines Sur.

Ang naturang mga kagamitan ay inilagay sa OCD humanitarian relief depot sa Fort Magsaysay, isang lugar ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Nueva Ecija.

Sa pamamagitan ng pagpopondo ng USAID, pinakilos din ng United Nations World Food Programme ang 92 mga trak na sumuporta sa Philippine Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahatid ng higit sa 150,000 pagkain sa mga apektadong pamilya sa Albay, Benguet, Camarines Sur, Ilocos Norte, at La Union.