PUERTO PRINCESA — Matagumpay ang idinaos ang dalawang araw na Tribalympics 2024 sa bayan ng Bataraza na nilahukan ng mga katutubo mula sa karatig-bayan sa Southern Palawan nitong Nobyembre 16 at 17.
Layunin ng palakasan na ipakita ang natatanging galing ng mga katutubong indibidwal pagdating sa larangan ng sports.
Tampok sa nasabing kaganapan ang iba’t ibang tribal games gaya ng Takbuhan-Relay, Akyat-Yantok, Kadang-kadang, Pana, Palo-Sebo, Sibat, Kasing, Supok Stationary, at Supok Assault, na kung saan ay naipakita ng bawat manlalaro ang kanilang kasanayan.
Ayon sa Public Information Office ng LGU Bataraza, taglay sa naturang programa ang makulay at natatanging selebrasyon ng mga kultura at tradisyon ng mga katutubo sa lugar.
Anila, hindi lamang ito isang paligsahan sa larangan ng palakasan kundi nagiging tulay rin ng isang pagtitipon ng mga tribu at komunidad mula sa iba’t ibang bahagi ng Palawan.
“Ito po ang unang pagkakataon ng nagkaroon ng ganitong programa para sa ating mga kapatid na katutubo, gusto ko ring pasalamatan ang nag-organize ng program sa pagpili ng aming bayan upang maging host municipality,” pahayag ni Bataraza Vice Mayor Johnmain A. Jaafar.
“Understand others and the culture and origin, respect each other to be united. Let us accept those things that we cannot change, let us also be brave to change the things that we can change,” mensahe naman ni Brigadier General Rosendo Abad Jr.
Ang Tribalympics 2024 ay isang matagumpay na kaganapan na nagbigay ng mahalagang plataporma upang maipamalas ang mga katutubong kultura at tradisyon sa bayan ng Bataraza.
Hindi lamang ito isang sports event, kundi isang selebrasyon ng pagkakaiba-ibang kultura at ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga komunidad sa pangangalaga ng kanilang mga kasaysayan at likas na yaman.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, naipagdiwang ng mga katutubo ang kanilang mga katutubong laro, sining, at kultura.