Pinagkalooban ng tulong pangkabuhayan ang mga dating kasapi ng makakaliwang grupo na New People’s Army (NPA) na nagbalikloob sa pamahalaan.
Ito ay sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na programa ng gobyerno na ang layunin nito ay matulungan ang mga miyembrong naligaw ng landas dahil sa pakikiisa sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF at Militia ng Bayan ngunit nagbalikloob sa pamahalaan gayundin ang hangaring magbagong-buhay at makapamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), ipinagkakaloob ng pamahalaan ang tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng ₱50,000.00 na magagamit ng mga sumukong rebelde para sa kanilang napiling negosyo na magsisilbi bilang panimula sa kanilang pagbabagong buhay.
Ipinamahagi ang nasabing tulong pangkabuhayan sa mga former rebels sa bayan ng Mamburao sa lalawigan ng Occidental Mindoro.
Matatandaan, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Executive Order No. 70 para isatatag ang “Whole-of-Nation Approach” na layuning mawakasan ang lokal na armadong labanan ng mga komunista. Ito ay sa pamamagitan ng National Task Force na mangunguna sa pagpapatupad ng isang pambansang balangkas ng kapayapaan.
Nilalayon din nito na mapagtuonan ng pansin ang ugat ng problema tulad ng kahirapan, kawalan ng katarungan, at hindi pagkakapantay-pantay.
Samantala sa Palawan, nagsagawa ng pagpupulong sina Gobernador Dennis M. Socrates kasama ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) para talakayin ang kalagayan ng 216 former rebels gayundin ang Update on Retooled Community Support Program sa lalawigan.
Ang 4th Quarter Council Meeting ay ginanap sa gusaling Kapitolyo nitong ika- 15 ng Nobyembre 2024 na dinaluhan din ni Deputy Executive Director Nino Rey Estoya ng Palawan Council for Sustainable Development.