Patuloy ang mga ginagawang paghahanda ng City Government of Puerto Princesa at Philippine Sports Commission (PSC) para sa nalalapit na Batang Pinoy 2024.
Sa pagharap sa midya nina City Sports Director Atty. Rocky Austria at Anna Ruiz ng PSC CORE Team Committee ngayong araw ng Miyerkules, Nobyembre 20, sinabi ng dalawang opisyal na 95 porsyento na ang kahandaan ng lokal na pamahalaan katuwang ang komisyon para sa Batang Pinoy 24’.
Ayon kay Ruiz, “bago po mag-opening ceremony ang masasabi ko nasa 95%—handa na tayo”.
Susog naman ni Austria, “’yung sinabi ni Ma’am Ann na 95%, actually, tinitsek nila yung billeting and ‘yung mga playing venues kaya ‘yung sinasabi niyang I think that is accurate talagang ganu’n na rin 95%. Talagang tinitingnan nila kasi lahat ng playing venues dapat maging maayos before the game and also the billeting [schools]”.
Anila, ang natitirang 5% ay para sa patuloy na pagtatayo ng mga showers sa mga billeting schools. Gayundin, ang paglalagay ng buhangin sa lugar na pagdadausan ng beach volleyball.
“Very minimal na lang po, ‘yun na lang po wala ng iba tayong problema,” ani Ruiz.
Ayon pa kay Ruiz, ang komisyon ay naglaan ng tatlong milyong pisong pondo para sa transportasyon ng mga atleta mula sa kani-kanilang tinutuluyang paaralan patungo sa mga playing venue.
“Gusto nating mangyari maging convenient at hindi mahirapan ang mga atleta. Ngayon part din ng P3,000,000 million ‘yung ibang expenses na mag-a-arise na hindi natin nakikita,” dagdag pa nito.
Maliban dito, nagbigay pa ng karagdagang P1,000,000 milyon ang PSC bilang subsidiya sa mga paaralan sa pagbayad ng electricity at water bills.
“Ganu’n po natin mina-manage ‘yung pagtutulungan natin because we are partners. Ayaw rin namin sa PSC na ibuhos lahat sa inyo ng gagastusin kaya tulung-tulong lang po,” ayon pa kay Ruiz.
Ang Batang Pinoy 2024 ay gaganapin sa lungsod sa darating na Nobyembre 23 hanggang 28.