Bumisita sina US Secretary of Defense Lloyd Austin III at Philippine National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. sa lalawigan ng Palawan, kahapon, araw ng Martes, Nobyembre 19.
Layunin ng pagbisita ng mga opisyal na talakayin ang responsableng pagpapatrolya ng puwersa ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) upang depensahan ang teritoryo ng bansa laban sa anumang international sea conflict.
Tinalakay rin ng mga opisyal ang defense cooperative activities at usapin sa seguridad ng rehiyon na kung saan binigyang-pansin nina Austin at Teodoro ang pangangailangan sa mas malalim na koordinasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Anila, kooperasyon at maayos na koordinasyon ay upang matugunan ang mga hamon sa West Philippine Sea kung saan nahaharap sa paulit-ulit na panggigipit ng People’s Republic of China ang legal na operasyon ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Sa pagbisita nina Austin III at Teodoro Jr. sa Camp General Artemio G. Ricarte sa Western Command Headquarters, sinaksihan ng dalawa at iba pang top military officials ang demonstrasyon ng T-12 Unmanned Surface Vessel, isa sa ilang mga unmanned capabilities na ibinigay ng Estados Unidos sa Philippine Navy.
Ang nasabing donasyon ng military assets ay instrumento upang isulong ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), surveillance and reconnaissance (ISR) at kakayahan sa maritime domain awareness (MDA).
Samantala, sabay na nilagdaan na nina Teodoro Jr. at Austin III ang ‘General Security of Military Information Agreement’ o GSOMIA nitong Lunes na layuning pagtibayin at paigtingin ang palitan ng military information at defense technology cooperation ng dalawang magkaalyadong bansa.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng
Repetek News
, ang GSOMIA ay inaasahang mapapalakas ang interoperability at mapapalawak ang palitan ng Classified Military Information (CMI) at mga kinakailangang teknolohiya sa pagitan ng dalawang magkatuwang na bansa na may kaugnayan sa national at territorial defense.| via Lars Rodriguez