Photo courtesy | Bataraza Public Information

Matagumpay ang isinagawang pagdiriwang ng National Children’s Month sa bayan ng Bataraza nitong Nobyembre 21, 2024, na ginanap sa Old Gym ng nabanggit na bayan.

Ito ay may temang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a safe Philippines” na naging posible sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office sa pangunguna ni MSWDO Tirso P. Segundo, RSW, DPA, PhD.

Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng lokal na pamahalaan, ang kaganapan ay dinaluhan ng Child Development Learners mula sa 22 barangays ng bayan ng Bataraza kung saan naging masaya ang selebrasyon ng mga bata dahil sa handog na parlor games ng Municipal Youth Development Office. Habang nagsagawa naman ng ECCD Caravan Services na kinabibilangan ng Birth Certificate Registration at National ID Registration ang Local Civil Registrar Office at National Statistics Office sa kaparehong araw.

Nakiisa rin sa kaganapan ang grupo ng Commando Brothers at Philippine Coast Guard (PCG) na namahagi ang mga ito ng libreng arrozcaldo at nagkaloob sa mga mag-aaral ng libreng gupit.

Ang buwan ng Nobyembre ay idineklara bilang National Children’s Month sa Pilipinas sa pamamagitan ng Republic Act (RA) No. 10661, na ipinasa noong Mayo 29, 2015.

Ang buong buwang pagdiriwang na ito ay naglalayon na bigyan ang mga batang Pilipino ng access sa isang malusog na kapaligiran, magandang edukasyon, at pangangalaga sa kalusugan.