Photo courtesy | City Tourism Office

SIKSIK AT LIGLIG sa mga cruise ship arrivals ang lungsod na inaasahang darating sa susunod na taon na aabot sa dalawampu’t tatlong (23) mga barko.

Ayon kay Michie H. Meneses, Supervising Tourism Operations Officer (STOO), na patuloy ang pabalik-balik na pagdating ng mga cruise ships sa lungsod ay nangangahulugan ng magandang indikasyon na lubos na ikinatutuwa ng mga turista ang muling pagbisita sa Puerto Princesa.

“Talagang ang experience ang hindi natin puwedeng isantabi – ‘yung experiences na maipo-provide natin sa ating mga turista. Kasi ‘yan talaga ang reason bakit sila babalik-balik, not just the destination, not just the food, not just ‘yong comforts na maransanan nila, but of course, ang total experience at ang makakapagbigay niyan ay tayong mga taga-lungsod ng Puerto Princesa,” paliwanag niya.

Batay naman sa tala ng Philippine Ports Authority (PPA), mayroong dalawampu’t tatlong (23) cruise ships ang inaasahang darating sa lungsod sa susunod na taon habang mayroon naman apat (4) pang mga cruise ships ang darating sa buwan ng Disyembre ng taong kasalukuyan.

Nasa walong (8) Maiden Voyage ang inaasahang darating sa taong 2025 kabilang dito ang AIDAstella na isang Sphinx-class cruise ship na may 2,700 passengers capacity; Norwegian Sky na pinaaandar ng Norwegian Cruise Line na nag-aalok ng iba’t ibang iterinaries gaya ng biyaheng Bahamas, Carribean at Europa; at ang Carnival Luminosa na may 2,712 passenger capacity na kung saan bumibyahe sa Alaska, Mexico, South Pacific, at Australia.

Samantala, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlungsod na maging cruise ship capital of the Philippines ang Puerto Princesa na makatutulong din sa patuloy na pagpapalago ng ekonomiya ng lungsod. Kasalukuyan naman ang Maynila ang kinikilalang cruise ship capital ng bansa.

Base sa impormasyon, mayroong 125 cruise ship arrivals ang naitalang dumating sa Pilipinas ng nakalipas na taong 2023.

Author