Magsisimula na ang Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines at Northern Territories, Australia -East ASEAN Growth Area Friendship Games sa unang araw ng buwan ng Disyembre na gaganapin sa iba’t ibang sports venues ng lungsod ng Puerto Princesa.

Matapos ang kaliwa’t kanang sports events na maayos na hinawakan ng Pamahalaang Panglungsod sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron gaya ng katatapos lamang na Batang Pinoy 2024 ay papasok naman ngayon ang BIMP-EAGA plus Northern Territories Friendship Games na kung saan napili rin na maging host ang lungsod.

Inaasahan naman na aabot sa mahigit 1,600 ang partisipante ng naturang aktibidad mula sa mga bansang Brunei (167), Indonesia (167), Malaysia (334), Philippines (835), at Northern Territory, Australia (167), at ang mga atleta ay nag-eedad naman mula 16 hanggang 21 taong gulang, base sa impormasyon.

Ang walong (sports events ay isasagawa sa mga sumusunod na lugar sa lungsod: Swimming (RVM Sports Complex swimming pool); Archery (RVM Sports Complex Archery Range); Athletics (RVM Sports Complex Track Oval); Badminton (City Coliseum); E-Sports (SM City); Karatedo (NCCC Mall); Pencak Silat (Robinsons Mall) at Sepak Takraw (Palawan State University).

Ang Tanggapan ng Turismo ng Pamahalaang Panglungsod ay naglagay na ng malaking Welcome Arc sa loob ng arrival area ng Puerto Princesa International Airport (PPIA) para lubos na maipadama ang mainit na pagtanggap ng lungsod sa pagdating ng mga delegado.

Inaasahang magkakaroon ng cultural show gabi-gabi sa RVM Sports Complex para ipagdiwang ang mga kaugalian at tradisyon ng bawat bansa sa pamamagitan ng pag-awit at pagsayaw ng mga kalahok.

Magsasagawa naman ng Ribbon Cutting para sa pormal na pagbubukas ng Sports Expo, at susundan naman ng Welcome Dinner para sa Mayor’s Night sa ika-30 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.

Isinusulong ng nasabing friendship game na palakasin ang sports trade at turismo sa mga participating countries kasama ang business sector.

Author