Photo courtesy: Municipality of Narra - Palawan

PUERTO PRINCESA — Sa layuning mapabilis ang mga transaksyon at alisin ang mga hadlang na nagdudulot sa pagka-antala ng mga dokumentong ipinoproseso ng mga negosyante, nagsagawa ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Narra patungkol sa 2025 Business One-Stop Shop (BOSS) nitong Nobyembre 27.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga gagawing paghahanda sa nalalapit na BOSS 2025 kung saan dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Sangguniang Bayan, Business Permit and Licensing Unit (BPLU), Municipal Treasurer Office, Municipal Agricultural Office, MENRO, Municipal Engineering Office, Sanitary Inspector, NMESO, Municipal Tourism Office, Municipal Assessor Office, Bantay Narra, Narra- Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection.

Batay sa impormasyon, mapapadali ang mga proseso at mga kaugnay na serbisyo partikular sa pagkuha ng mga permits, lisensya, at iba pang mga kinakailangang dokumento para sa pagsisimula at pagpapatakbo ng negosyo.

Sa pamamagitan din ng inisyatibong nabanggit, mas mapapalakas ang sektor ng negosyo na maghahatid ng mas maraming trabaho at makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng naturang bayan.

Ang Business One Stop Shop (BOSS) ay inilunsad para sa kaginhawahan ng mga may-ari ng negosyo sa pagkuha ng bagong pagpaparehistro o pag-renew ng kanilang mga business permit at iba pang clearances.