Isang makabuluhang hakbang para sa Local Government Unit (LGU) ng Romblon ang paglalagay ng mga microchips para sa mga alagang hayop kaugnay sa pagpapaigting ng responsable pet-ownership.
Matagumpay na isinagawa ang Microchip Implantation Drive para sa mga alagang hayop na dinagsa ng daan-daang pet-owners mula sa iba’t ibang barangay sa probinsya sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at Philippine Coast Guard (PCG) kamakailan.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ang mga alagang hayop ng maaasahan at permanenteng paraan ng identipikasyon ng mga ito, at matulungan ang mga may-ari sa pag-recover ng kanilang mga nawawalang alaga gayundin ang matiyak na tama ang tala ng kanilang bakuna.
Base sa impormasyon, ang microchips ay kasing liit ng butil ng bigas na ipinapasok sa ilalim ng balat sa pagitan ng mga shoulder blades ng mga alagang hayop.
Ang teknolohiyang ito ay naglalaman ng natatanging identification number na maaaring mabasa ng espesyal na scanner, na nag-uugnay sa alagang hayop sa contact information ng may-ari.
Umabot naman sa 318 alagang hayop ang nabigyan ng microchips mula sa walong mga barangay sa bayan ng San Agustin ng nasabing probinsya. Maliban dito, nasa 218 naman na mga alagang hayop ang nabigyan ng bakuna sa rabies.