Nag-host ng pagsasanay ang United States (US) Peace Corps patungkol sa Climate Leadership na isinagawa nitong nakalipas na Nobyembre 19 hanggang ika-22 ng buwan, taong kasalukuyan.
Ang pagsasanay ay para sa Philippine Science High School Students SEED4COM, na bahagi ng malawak na plano ng U.S. Peace Corps sa pagtugon sa mga pandaigdigang hamon sa klima.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kaalyadong host country at pagsasama ng climate change adaptation sa programa at mga aktibidad sa pagsasanay nito.
“We are partnering with the PSHS System to tap the potential of STEM education when applied to climate action,” ani Peace Corps Country Director Marguerite Roy.
“I am excited to see how the participating students will build on this training, bring their projects to life, and influence others to become agents of change,” dagdag ni Roy.
Maliban sa mga mag-aaral, kasama rin sa mga lumahok sa aktibidad ang 16 na miyembro ng PSHS System faculty at walong Peace Corps Volunteer upang makiisa sa mga talakayan at pagbisita sa mga lugar kung saan naroon ang mga lokal na proyekto na panlaban sa klima gaya ng Leganes Integrated Katunggan EcoPark, Climate Field School, at Orchard Valley Farm na layuning palalimin pa ang kanilang kaalaman ukol sa pagbabago ng klima, konserbasyon ng biodiversity, pagbabawas ng panganib sa kalamidad, at pagboboluntaryo.
“This program provides a structured framework for advocacy, which will be incorporated in our climate action plan in the PSHS System,” ayon kay PSHS System Executive Director Ronnalee Orteza.
Ayon sa embahada ng U.S., nagsilbi ring plataporma ang workshop para sa mga mag-aaral ng PSHS System na makipagtulungan sa mga eksperto at kapwa boluntaryo, makatanggap ng feedback sa kanilang mga panukala sa proyekto, at pinuhin ang kanilang mga nagawang proyekto.
“The involvement of our youth is crucial. We cannot afford to wait until it’s too late,” dagdag ni Executive Director Orteza.