Napababa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bilang ng child laborers sa Pilipinas.
Naniniwala ang kagawaran na malaki ang naitulong ng 4Ps para mapababa ang mga insidente ng child laborers na kung saan tinutulungan ng programa na mapanatili sa pag-aaral ang mga bata.
Layunin ng programa na mapanatili ang Kabataang benepisyaryo ng 4Ps na makapagtapos at maiayos ang kanilang kalusugan.
Ang household beneficiary ay nakakatanggap ng monthly grants na P300.00 hanggang P700.00 bawat bata para sa mga gastusin sa pag-aaral, halagang P750.00 naman para sa kalusugan at nutrisyon, at mayroong rice subsidies na nagkakahalaga ng P600.00 sa ilalim ng nasabing programa upang matiyak na hindi maengganyo pang magtrabaho ang mga bata.
Base sa nakasaad na probisyon ng programa, dapat nag-aaral at naka-enroll sa kindergarten, elementary, o highschool ang children beneficiaries na may edad 3 hanggang edad 18 taong gulang.
Kinakailangan din na may attendance rate na 85 prosiyento upang matiyak na pumapasok sa eskwelahan ang mga batang estudyante at makatanggap ng cash grant.
Umabot naman sa 95 porsiyento ang compliance rate sa taong 2023 para sa mga batang edad 6 hanggang 18 na pawang sumusunod sa patakaran para sa edukasyon, batay sa tala ng 4Ps National Program Management Office (NPMO).
Batay naman sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 1.09 milyon ang insidente ng child labor sa 2023 kumpara sa 2022 na 1.48 milyon. Ayon din kay Quezon City Representative Marvin Rillo, nagkaroon ng pagbaba sa bilang ng child labor edad 5 hanggang 17.
Samantala, pinaiigting ang paghikayat sa mga out-of-school children mula sa low-income families na magbalik eskuwela sa pamamagitan ng kampanyang Balik-Bata-Eskuwela.
Nasa apat (4) milyong household beneficiaries naman ang pinagtutuonang mabigyan ng suporta ng 4Ps ng DSWD.