Photo courtesy | PCSDS

Ginanap sa lungsod ng Puerto Princesa ang apat (4) na araw na National Summit on Sustainability and Environmental Law na may temang “Enabling Environmental and Climate Justice: Bridging Science and Law for Responsive Rules and Sustainable Development,” nitong nakalipas na Nobyembre 27 hanggang ika-30 ng buwan, taong kasalukuyan.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development and Staff (PCSDS), ang summit ay itinuturing na pinaka-kritikal na pagtitipon para talakayin ang mga isyu sa kapaligiran kung saan nilahukan ito ng higit sa 250 katao mula sa mga miyembro ng Supreme Court of the Philippines, Palawan Council for Sustainable Development Staff at iba pang national government agencies, business communities, civil society organizations, legal practitioners, academe, at iba pang ka-partner na stakeholders.

Ang Summit ay inorganisa ng Supreme Court Judicial Committee on Sustainability and Environmental Concerns sa pakikipagtulungan sa mga development partners tulad ng EU-GOJUST II Programme, United States Bureau of International Narcotics and Law Enforcement, Palawan Council for Sustainable Development, at United States Forest Service.

Sa pambungad na talumpati, inihayag ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen na ang karapatang pangkalikasan ay isang karapatang pantao dahil ito ay masalimuot na bahagi ng Artikulo III, Seksyon 1 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”

Binigyang-diin din ni Leonen ang mga pangunahing punto upang isaalang-alang sa pagrerebisa ng mga panuntunan gaya ng kasapatan ng mga kasulatan ng kalikasan at patuloy na mandamus, ang konsepto ng pag-aksyon sa kapaligiran, legal na katayuan sa mga kaso sa kapaligiran, pagpapalawak ng saklaw ng Strategic Lawsuit Against Public Participation (SLAPP), ang papel at mga hamon ng developmental at social-challenge lawyering sa konteksto ng katarungan sa klima.

Layunin ng kaganapan na tugunan ang tumitinding mga hamon sa klima, itaguyod ang napapanatiling pag-unlad, at magmungkahi ng mga pagbabago sa mga Rules of Procedure on Environmental Cases (RPEC).