Dalawang motorsiklo ang nagkarambola sa kahabaan ng National Highway, Brgy. IV sa bayan ng Roxas, Palawan kaninang 3:15 ng madaling araw, Disyembre 5.
Patay ang isang indibidwal sa nasabing banggaan habang sugatan naman ang dalawa pang katao.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, kinilala ang mga sangkot sa insidente na sina Alyas ‘Joven’, residente ng Brgy. IV, walang lisensya, at ang ikalawang motorista naman ay si Alyas ‘Redon’, residente ng Brgy. Abaroan may isang angkas na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon pa rin sa pulisya, habang binabaybay ni Alyas ‘Joven’ ang kahabaan mula Brgy. IV patungong Brgy. III nang biglang bumulaga ang motorsiklong minamaneho ni Alyas ‘Redon’, na umano’y lasing at lumihis ng linya dahilan nang naging salpukan.
Agaran namang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Roxas upang agarang madala ang mga biktima sa Roxas Medicare Hospital para sa agarang lunas, ngunit sa kasamaang palad, idineklarang dead on arrival si Alyas ‘Joven’ dahil sa natamong matinding pinsala sa ulo, habang nagtamo naman ng bahagyang sugat sa ulo sina Alyas ‘Redon’ at ang angkas nito.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Roxas Municipal Police Station ang dalawang motorsiklo para sa masusing imbestigasyon at tamang disposisyon.