Agaw-eksena ang pa-snow effect ng lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro kasabay ng kanilang pagpapailaw ng Community Christmas Tree nitong ika-1 ng Disyembre, taong kasalukuyan.
Kung sa lungsod ng Puerto Princesa ay may ipinagmamalaking 153 feet na higanteng Christmas tree, ang bayan ng San Jose ng nasabing probinsya ay nagpaulan naman ng tila snow sa mga taong nanood ng light-a-tree bilang karagdagang kasiyahan sa kanilang lugar.
Ibinida rin ng LGU-San Jose ang mga atraksyon at mga disenyo na nagmistulang Christmas Village na kanilang inihandog para sa lahat.
Itinampok sa pagdiriwang ang mga masiglang dekorasyon ng Christmas display na mga usa, tren, at belen sa municipal plaza habang pinailawan din ng mga pang-paskong disenyo na mga bulaklak sa Pandurucan at Marzan Bridge maging sa kahabaan ng Aroma Beach at pangunahing kalsada.
Samantala, ang tradisyon ng pagpapailaw ng Christmas tree ay nagdadala ng pag-asa, pagmamahalan, at pagkakaisa sa bawat Pilipino para sa darating na taon.
Ang bawat dekorasyon ay may kaniya-kaniya kahulugan gaya ng bituin na inilalagay sa tuktok ng Christmas tree. Ito ay may malalim na simbolismo sa Kristiyanismo na kumakatawan sa Bituin ng Bethlehem na nagsilbing gabay ng Tatlong Hari.