Matagumpay ang isinagawang aktibidad ng pagbebenta ng mga malikhaing produkto na gawa ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Brooke’s Point District Jail.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Brooke’s Point District Jail ang pagbebenta ng mga handmade products ng mga PDL na inilatag sa Octagon Plaza sa nabanggit na bayan.
Ang mga handicrafts o kagawing-kamay ay tumutukoy sa mga produktong manu-manong ginawa gamit ang tradisyunal na kasangkapan.
Sa pamamagitan ng aktibidad ng paggawa ng mga livelihood products, nagbibigay ito ng maraming benepisyo sa mga PDL gaya ng natutulungan sila na makaiwas sa pagkabagot at maiwasan ang negatibong pag-iisip, matututo sa mga bagong kasanayan sa sining at paglikha, napapalawak ang kanilang imahinasyon at malikhaing kakayahan.
Natutulungan din nito na mapanumbalik ang kanilang kumpiyansa at nababawasan ang stress, anxiety, at depression na maaaring nararanasan ng mga PDL habang nasa loob ng piitan.
Ang mga handmade products ay nagbibigay sa kanila ng karagdagang kita upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Lubos namang nagpapasalamat ang BJMP-Brooke’s Point District Jail sa lahat ng mga sumuporta at tumangkilik ng mga livelihood products na gawa ng kanilang mga PDL.